Rizal: Bayani Noon Hanggang Sa Kasalukuyan

Sino nga ba si Rizal? Siya ang ating pambansang bayani. Subalit, kahit malaki ang ginawa niya para sa ating kalayaan at para sa ating bansa, makikita natin sa ating mga kababayan at lalong lalo na sa kabataan na hindi nila binibigyan ng halaga ang mga akda ni Rizal. Ngunit, kung titingnan natin ang kasaysayan natin sa panahon na ito, talagang pwede nating ilagay ang mga sinasabi ni Rizal sa kanyang mga akda sa mga sitwasyon sa Pilipinas at pati na rin sa mundo ngayon. Ang mga akda niya ay pwedeng gisingin ang pagmamahal sa bayan ng kabataan ng Pilipinas at pwede rin bigyan ng napakaraming mga kaugalian at pananaw na pwedeng gamitin sa buhay ng mga kabtaan at ang mga susunod na henerasyon. Dahil dito, naniniwala ako na mahalaga ang pag-aaral tungkol sa mga akda ni Rizal at dapat hindi ito tangalin sa kurikulum.

Tingnan natin ang kanyang akdang, “Katamaran ng mga Pilipino.” Ang akdang ito ay nagbibigay ng mga dahilan na nagsasabi kung bakit tinatawagang tamad ang mga Pilipino. Sinasabi ni Rizal na hindi dapat sabihin ng mga Espanyol na tamad ang mga Pilipino. Ngayon, tatanungin ninyo kung bakit natin kailangan aralin ito at kung paano ito nakakaepekto sa buhay natin ngayon. Pag-isipan natin ang mga ginagawa ng ating mga yaya o drayber. Minsan, tinatawagan natin silang tamad. Subalit, kung pag-iisipan natin, halos parehas lang ang sitwasyon ng ating mga drayber at yaya sa mga Pilipino sa panahon ng mga Kastila. Tinatawagan natin silang mga tamad kahit sila na nga ang nagbibigay ng kanilang serbisyo para sa atin. Sila ang naghihirap, ngunit tayo ang nakikinabang. Kung babasahin ng kabataan ngayon ng mabuti ang akdang,
“Katamaran ng mga Pilipino,” makikita nila na isa na ito sa mga sinasabi ni Rizal. Huwag natin tawaging tamad ang tao kung hindi natin alam ang kanilang kalagayan at kung tayo mismo ay hindi gumagawa ng kanilang gawain. Ito ang sinabi ni Rizal sa mga Espanyol na tumatawag sa mga Pilipino na tamad. Sa kasalukuyang panahon, tayo naman, bilang mga kabataan, ang kinakausap ni Rizal. Dapat mamulat tayo sa katotohanan at magbigay tayo ng respeto sa mga taong naghihirap para sa atin, at hindi lang ang mga yaya at drayber ang kasama dito, kasama na rin ang ating mga nanay at tatay at pati na rin ang ating mga guro at kaibigan.

Ang akdang, “Liham sa mga Kababaihan ng Malolos,” ay isa pa sa mga isinulat ni Rizal na dapat pag-aralan ng kabataan. Isinulat ito ni Rizal para sa mga babaeng taga-Malolos dahil ipinaglaban nila ang karapatan nila sa edukasyon. Isa itong papuri sa kanilang ginawa at isa na rin itong paalala sa mga babaeng taga-Malolos na may karapatan din sila at kung ano nga ba ang papel ng babae sa lipunan. Ang ilan sa mga sinasabi ng akda na ito na talagang importante ay ang karunungan at ang pagkapantay-pantay ng lahat ng tao sa lipunan. Sa panahon kasi ni Rizal, ang mga babae ay sinasabing mas mababa at mas mahina sa mga lalaki. Dahil dito, ang mga lalaki ay kinikilalang mas mahalagang tauhan sa lipunan. Sa kasalukuyan, halos pantay na ang tingin ng mga tao sa isang babae at lalaki. Subalit, meron pa ring mga tao na nagsasabing walang kwenta ang ibang lahi kung ikukumpara sa kanilang lahi o di kaya ay nagsasabing masasamang tao ang mga bakla o bading. Dito natin makikita ang halaga ng akdang ito ni Rizal sa kasalukuyang panahon. Ang mga taong nakabasa nito ay malalaman na pantay lang lahat tayo sa lipunan. Mayaman o mahirap ka man, parehas lang ang mga karapatan ng lahat ng tao. Ang aral na ito ay magsisilbing gabay natin para sa katarungan dahil ito ang magsasabi sa atin na patas ang lahat ng tao at walang tao ang pwedeng mawala sa kamay ng batas at katarungan, lalong lalo na kung mayaman ang tao na ito at may balak siyang gamitin ang kanyang kapangyarihan para makaligtas siya. Paano naman magagamit ng kabataan ang aral na ito sa buhay nila? Pwede nilang ito gamitin sa kanilang mga klase. Kung, halimbawa, mayroon kang kaklase na nakakaiba at sinasaktan ng iyong mga kamag-aral, iligtas mo siya sa pamamagitan ng pasasabi sa iyong guro o di kaya ay kausapin mo ang mga sumasaktan sa kanya at pwede mo ring kaibiganin ang nasasaktan.

Para mas makita ninyo ang epekto ng pagbabasa ng mga ito, ilalahad ko ang mga bagong pananaw at ang ilan sa mga natutunan ko mula sa pag-aaral kay Rizal. Dahil sa pagbasa sa “Katamaran ng mga Pilipino,” hindi na ako masyadong nagagalit sa aking tatay kung natagalan ako sa pag-aantay sa kanya. Naiintindihan ko na hindi naman dahil sa katamaran ang kanyang pagiging “late”, kung hindi napapagod lang siya sa kanyang trabaho kaya nahuli siya sa paggising mula sa kanyang siesta o di kaya ay talagang natagalan lang siya sa trapiko. Ukol naman sa “Liham sa mga Kababaihn ng Malolos,” natutunan ko na dapat bigyan ng respeto ang lahat ng tao. Isa na dito ang isa kong dating kaklase. Dati, ayaw ko siyang kaibiganin dahil maitim ang kanyang balat at pinagtatawanan siya ng iba kong kaklase. Subalit, dahil sa akdang ito, naging kaibigan ko na siya.

Sa kabuuan, makikita natin na, kahit sa kasalukuyan, pwede pa nating gamitin ang mga aral na sinasabi ni Rizal sa kanyang mga akda sa ating buhay. Ang mga akda niya na nagbigay inspirasyon sa mga Pilipino noon, ay nagiging inspirasyon din ng mga bata ngayon. Dati, ang mga sulat niya ay ginamit laban sa mga Espanyol, at dahil dito, lumaban ang mga Pilipino para sa kanilang kalayaan. Itinanghal siyang bayani dahil lumaban siya laban sa mga Espanyol gamit ang kanyang mga sulat. Ngayon naman, ang mga akda ni Rizal ay ginagamit ng mga tao para hustisya at laban sa katiwalian. Isa siyang totoong bayani. Kahit yumao na siya, ang naiwan niyang pamana ay nakatutulong pa rin sa ating laban sa kasamaan at katiwalian. Sinabi pa nga ni Joseph Campbell, “A hero is someone who has given his or her life to something bigger than oneself.” Itong linya na ito ay karapat dapat na ialay kay Rizal, dahil kahit patay na siya, ang kabayanihan at pagmamahal niya sa bayan ay nararamdaman pa rin ng mga tao ngayon, at dahil dito, isa na rin siyang bayani ng kasalukuyan at hindi lang sa nakaraan.

  1. Leave a comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: